Choosing your dish is like politics, go for the popularity and mass appeal. |
Isang araw sa buhay ng mga ulam Pilipino.
Nong nagpasa ang
isang kongressista ng panukalang ideklara ang adobo na pambansang ulam,
nagprotesta ang mga makabayang ulam.
Ang sabi ni 'sinigang', "paano gagawing pambansang ulam
ang adobo kung ang kanyang pangalan naman ay salitang banyaga? Ganito na ba kababaw
ang ating edukasyon at pati salitang kastila ay di na natin nakikilala?"
Ani 'tinola', "natagurian pa
namang Chairman ng Committee sa Turismo yang nagpasa, bakit di nila isiyasat
mabuti ang kanilang nilalabas na panukala kung ang mga ito nga ay nararapat at
angkop sa ating pagiging Pilipino?"
Ang protesta naman ni 'pinakbet', "tulad ko, marami pa
tayong ulam na mas hango sa tunay na Pilipino at walang kadudaduda na ito ay
galing sa ating mga ninono. Kasama na dito si 'paksiw'. Mas makabuluhan na siya ang
ideklara."
"Ako ang 'true blooded' na pinoy ulam," ang sigaw ni 'dinuguan'.
Bagamat ang kanyang pangalan ay hango rin sa salitang kastila,
si 'Afritada' ay sumama sa mga nagpoprotesta. "Mas marami naman kasing
ipasang mas mahahalagang panukala, bakit yang mga walang kwenta pa?" aniya.
Sa kabilang dako ay nagsalita naman ang mga ulam na kampi sa
nasabing panukala. Sabi ni "Bistik" na ang pangalan ay tinagalog na ulam
ng mga kano, "anong masama kung ang adobo na hango sa Espanyol ang maging
pambansang ulam natin? Pangalan nga nating Pilipino galing sa kastilang si King
Philip, may bago pa ba dyan?"
Ang pangontrang sagot ni 'pinikpikan' na ulam ng mga taga
Cordillera, "kayong mga taga 'lowlands' kasi di nyo kami ginaya na di nagpasakop
sa mga kastila."
Patawa namang sumagot ni 'embotido' na kumakampi kay 'bistik', "lagi
nyong binibida na di kayo nagpasakop peru ang tawag nyo naman sa rehiyon ninyo
ay salitang kastila. Di ba yan ang tinatawag sa Inglis na ironic?"
Napatunganga si 'pinikpikan' dahil ngayon lang nya narinig
na salitang kastila pala ang napiling pantawag sa bulubunduking tahanan nya. Ngunit
ganun pa man, pinaglaban pa rin nya ang kanyang paniniwala, "naniniwala pa rin ako na dapat talagang
hindi adobo ang tanghaling pambansang ulam natin. Pangalan na natin hango sa
salitang banyaga, pati na rin pangalang ng ating lugar, pati ba naman
pambansang ulam banyaga na rin?"
Sa kagitnaan ng kaguluhan, pumagitna and isang malagintong ulam baboy,
"marahil naman ay kilala na ako ng lahat. Ako ay matatagpuan sa lahat
ng mahahalagang okasyon. Siguro naman, hindi masamang ako na lang ang imungkahi
ninyong maging pambansang ulam."
Lahat ng ulam nagprotesta. "Tumigil ka 'lechon', ikaw
ang isang mapanlinlang na ulam na akala makabayan ngunit ang pangalan ay walang
kadudadudang galing sa Espanya."
Mula noon, ang mga ulam ay napasama na sa pulitika.
Sa di kalayuan, sila 'daing' at 'dinengdeng' ay tahimik lang na nanonood dahil ang tingin nila sa sarili nila ay mababa lang dahil sila ang pinakamura. Minabuti na lang nilang ang pulitika ay para sa mga mas mahal at mas elitistang mga ulam. Pagsapit ng kainan, ang mga mura pa rin ang hahanapin ng karamihan.
ReplyDeleteYour means of telling everything in this piece of writing is really pleasant, all can easily know it, Thanks a lot. outlook 365 login